Wednesday, February 25, 2009

Gising o Lasing?

Tao ako at nag-iisip ako. Kasi kung hindi, edi parang hayop na rin ako, halang ang kaluluwa, walang pag-iisip. Pero pede naman yatang may kaluluwa, di nga lang nag-iisip.

Ewan. Nag-iisip kasi ako. Kapag may nagawa akong tama, pag-iisipan ko. Mananatili ako sa nakaraan. Pag may hindi ako sigurado, pag-iisipan ko. Mag-aalala ako, kakabahan. Kapag may magawa akong mali, pag-iisipan ko, saka ko pagsisisihan. Siguro kaya rin ako nag-iisip bago magsalita o kumilos ay dahil sa mga reaksyon ng tao na hindi ko nais pero aking natanggap. Papagalitan ako, papangaralan, susumbatan, pupulaan, lalaitin, at kung ano pa. Mag-iisip ako, "patay, hindi ko na'to gagawin."

Kapag may madaanan ako na naging kaklase o kilala, mag-iisip ako. Ano kaya ang gagawin ko? Kakawayan ko? Tataasan ng kilay (tatanguan)? Bibigkas ng "hello"? O titingin sa lupa? Kung kinawayan ko, tinanguan, hinellohan, odi ayos, ngiti. Kapag tumingin lang ako sa lupa, odi ayos rin, wala lang. Pero nag-isip pa rin ako, nag-alala, namroblema.
Pag pakiusapan ako ng isang kaibigan na gawin ang isang bagay maski kalokohan, para lang sa katuwaan, mag-iisip muna 'ko. Sasabihin ng isip ko, "WAG. Kalokohan yan, mapapahiya ka lang, masisira ang kaganda-ganda mong reputasyon." Sasabihin ko, "Ayoko." Hindi ako makikisama. Nag-iisip kasi ako.

Kapag may ipakilala sa aking sanamagingkaibigan, nag-iisip ako. "Hello". Tas yun na. Hanggang dun lang. Kasi iniisip ko, hindi kami close, mahiya naman ako. Inoobserbahan ko pa siya, kung pa'no siya kumilos, kung pa'no siya magsalita, kung ano ang hitsura niya. Tapos, isistereotype ko siya... kasi nag-iisip ako, huhusgahan ko siya.
Kaya rin siguro ako hindi madaldal, kasi sinasala muna ng utak lahat ng aking sasabihin, hanggang sa wala nang matira. Lininis na ng utak ang sasabihin, bahala na ang lakas ng loob kung sasabihin pa... Kasi nag-iisip ako.

'Yan ako bilang taong gising. Isang rational being, angat sa kahayupan, lamang sa lahat ng nilalang. Nga lang, natututukan ng baril ng pari, magulang, guro, kaibigan, at sino pang mapangialam. Nag-iisip ako. Hindi nga lang malaya. Isang bala para sa sala. Isa para sa kabastusan. Isa para sa maling salita. Isa para sa nakakubang pag-upo. Kailangan tumindig para sa reputasyon. Mahalaga ang reputasyon. Nakatutok ang mga baril sa akin. Nakataas ang kamay ko. Nag-iisip ako. Ano ang gagawin ko? Susuko, magpapaalipin sa nagdikta ng aking pag-iisip? Sige, dahil nag-iisip ako. Mahalaga ang buhay. Hindi pwedeng mamatay. Mahalaga ang reputasyon, dapat ingatan. Mag-iisip ako.

E kung hindi? Kung piliin kong labanan ang pari, magulang, guro, kaibigan, at sino pang mapangialam na nakapalibot sa akin at tinututukan ako ng baril? Kung labanan ko itong mga taong itong nagdikta ng aking pag-iisip, gumising sa akin, at patuloy na tumututok ng ulo ko sa isang direksyon para hindi makita ang iba? Pa'no? ._. Alam ko na. Magpapakalasing ako.

Lasing na ako. Isa na akong homo sapiens sapiens, kabilang sa kingdom Animalia. Kapwa ko na ang ibon, ang leon, at ang pagong. Lasing na ako.

Kapag may magawa akong tama, matutuwa ako nang husto. Ngingiti ako na parang gago. Babarilin ako ng mga mamang mapangialam. Wala raw akong kakahiyan. Magmumukmok ako, Susuntok sa sementadong sahig sabay aaray. Babarilin ulit ako kasi mukha daw akong tanga. Susuntok ulit ako sa sementadong sahig sabay aaray. Sabay may kakalabit sa'kin. Okay na. Mapupunta sa nangalabit ang aking atensyon. Mabubuhay ako sa kasalukuyan, dikta ng kalikasan at ng nariyan. Babarilin ulit ako ng mga mamang mapangialam, wala na akong paki. Lasing ako.

Kapag may madaanan akong taong pamilyar, naging kaklase/schoolmate, o kilala sa pangalan, wala nang isip-isip pa. Kakaway na agad ako, kakausapin ko siya sa kung ano ang naaalala ko sa kanya. Kakausapin ko siya nang 'di nag-iisip, salita lang nang salita base sa memorya, at base sa sasabihin niya. Mag-uusap kami na parang magkaclose kami. Magkakaroon ako ng kaibigan. Ngingiti ako na parang gago.
Kapag may kaibigan ako na magpagawa sa akin ng kung anuman, maski kalokohan para lang sa katuwaan, wala nang isip-isip pa, gagawin ko na. Kasi kaibigan ko, mahal ko, kikilos ako sa kaprisyo. Lasing naman ako. Gagawin ko. Tatawa sila. Matutuwa sila. Matutuwa rin ako. Ngingiti ako na parang gago.
Pag may ipakilala sa aking bagong taong sanamagingkaibigan, wala na ring isip-isip pa. Ako na ang unang makikipag-usap. Babanggitin ko ang paligid o ang tungkol sa taong nagpakilala samin. Lasing ako. Dahil wala akong hiya, maaalis na rin ang kanyang hiya. Mag-uusap kami na parang magkaclose. Magkakaroon ako ng bagong kaibigan. Ngingiti ako na parang gago.

'Yan ako bilang taong lasing. Isang impulsive being. Pantay ang tingin sa lahat, kapareho ng kahayupan. Tutukan man ng baril ng mga mapangialam, walang pakialam. Hindi ako nag-iisip. Malaya ako. Walang kailangang panindigan. Walang kailangan. Lasing lang ako, kumikilos base sa galaw ng mundo, sa kung ano man ang meron sa nagaganap, sa anumang sabihin ng tao, sa kung ano ang sabihin ng puso ko. Tinututukan pa rin ako ng mga mamang mapangialam, pero nakangiti pa rin ako na parang gago.


Dalawa na lang ang pwedeng mangyari.

Una, ipuputok na nila ang mga nakatutok na baril. Papaulanan ako ng bala. Paparusahan ako. Pagkakaitan ng anumang nais ko. Ikukulong nila ako sa kwarto. Tuturuan nila ako ng leksyon. Ipapamukha sa akin ang kahihiyan. Pero lasing ako, matutulog nalang ako. At pilit nilang gigisingin ang lasing sa katauhan.

Ikalawa, makikita nilang nakangiti pa rin ako na parang gago, hindi takot sa kanilang mga baril. Iiwan na nila ako. Magiging malaya na ako, walang paki sa bansag at panghuhusga. Walang paki sa nangyari't mangyayari. Mabubuhay kaming mga hayop, nagkakaisa para sumaya. Nabubuhay lang sa kung ano ang nariyan, tatawa, matutuwa, ... ngingiti na parang gago.

No comments:

Post a Comment