cool. adj. [kool]. isang salitang hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin
Sabi ng maliit na librong bigay ni Mama, being close to God daw ang pagiging cool.
Sabi ng araw-araw na pagkabuhay, being close to vices daw ang pagiging cool.
Ang pareho ay valid sources of knowledge. Nga lang, 'di sila nagkakasundo.
Eto na siguro ang isa sa mga salitang gamit na gamit pero hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin. Isa ba itong papuri o compliment na pag ikaw ay close to God o sa bisyo, ikaw ay dapat kainggitan at tularan? Isa ba itong salitang pamilang na pag ikaw ay nasabihang cool, ikaw ay in sa uso, in sa "in-crowd", sikat at angat sa taong hindi cool? Isa lang ang sigurado ko, ito'y hindi salitang panlait. Hindi naman masamang maging close to God kahit pa na pag sinabi mong yon ang depinisyon ng pagiging cool, pagtatawanan ka ng kabataan. Hindi rin masamang maging close to vices kahit pa na pag sinabi mong 'yon ang depinisyon ng pagiging cool, pangangaralan ka ng matanda. Ang pagiging cool ay pagtanggap at pagmamalaki ng lipunang kinabibilangan mo sa iyo. Kaya naman ang cool marahil sa matatanda ay hindi cool sa mga bata. Ang cool sa mga banal ay marahil hindi cool sa mga lasenggo. Kaya namang ang salitang cool ay wala talagang eksaktong depinisyon at standard. Tulad ng mga salitang "maganda" at "matalino", inaangat ng salitang "cool ang isang tao sa isang lipunan, at ipinapantay sa isang sinasabing masmataas na institusyon. 'Di tulad ng mga salitang "maganda" at "matalino", walang ganoong katanggap-tanggap na basihan tulad ng attractive and symmetrical features sa pagiging maganda, at high iq, grades, mabilis na pag-iisip sa pagiging matalino. Pagbababa sa ibang tao ang ginagawa nito sa 'di matukoy na batayan kaya nama'y walang kwenta't di kailangan. Nakikita kong nakakatuwa kapag matawag na cool, pero hindi malinaw ang ibig sabihin nito kaya wala rin.
Hindi ko ginagamit ang salitang cool. At hindi ko rin maintindihan ang paggamit nito. Kaya suhestiyon ko, alisin na ito sa bokabularyo at gumamit ng mastiyak na pang-uri dahil hindi naman talaga nauuri ang inuuri sa salitang "cool", kinakailangan pang tignan ang konteksto - nagsabi, sinabihan, lugar, panahon. Buti pa ang salitang "hot", masmalinaw ang ibig iparating.
punto de bista ng isang hindi cool na hindi nakakaintindi ng ibig sabihin ng cool.
P.S. hindi limitado sa pagiging close to God/vices ang pagiging cool. Karaniwan ring sinasabi ang cool sa mga konyo (kung ano man spelling nun) at iba pang banyagang katangian.
No comments:
Post a Comment