03.12.08
Lahat ng kapaguran ay may kapalit na kaginhawaan, kahit na ano pa iyan.
Pambihirang araw ito, sobrang nakakapagod. Ang praktis namin para sa Gradweysyon ay gaganapin ngayon sa Mendiola Campus, hindi tuloy ako makasasabay sa service. Dapat sana'y maglalakad ako hanggang may dumaang tricycle palabas para makamura, kaya lang, pagkalakad ko ng ilang metro, nagsipakita ang mga perwisyong aso at nagsimulang magtatahol. Napabalik tuloy ako at nagpatawag nalang ng tricycle. Bwisit na mga aso iyan. Odi ayun. Dumiretso na akong LRT Santolan at buti nalang, naroon sila Cervo, Miel, at Ampo, inaantay sina Iriz at Bren. Kaya ayun. Sumabay na rin ako. Buti nalang at hindi kami na-late. Wala lang. andami naming magkakaklaseng naka blue kanina. siguro di bababa ng pito. Grabeng praktis. Linahat-lahat na namin. Nakakapagod. Buti nalang lahat, maayos, pati sa pagkanta. 'Di na kami pinaulit nang pinaulit. Pinauwi na rin kami ng alas-tres.
Dahil nakakuha kami ng apat na stubs kahapon, tuloy kami sa pagpunta sa TriNoma para panuorin si Colbie Caillat sa kanyang "Bubbly" Tour. Si Mark ay umuwi muna. Naiwan kami ni Corpuz at Neil. Ang dalawa ay may munting alitan. Asar. Noong papunta kaming TriNoma, walang nagsasalita. Sila pa naman tong parehong madaldal. Ako, medyo tagasakay at tagapakinig lang. Kaya ayun. Nung pagdating pa namin sa Gateway, nagdrama pa tong si Corpuz. Sasakay na daw siya ng FX pauwi. Buti nalang napilit/nakunsensiya/nakumbinsi ko siya at napasama. Nga lang, ganoon pa rin sila. Ang isa, nakikinig ng mga kanta gamit ang iPod, ang isa, gumagamit ng cellphone (kunwari o hindi). Tapos 'di pa kami magkakatabi maglakad. Nauuna si Corpuz, sunod ako, tapos si Neil, magkakalayo sa isa't isa. Haaaay. Pagkarating namin ng TriNoma, naupo muna kami s amay Food Choices para antayin si Mark. Buti nalang, dumating. (apat kaming naka-blue. parang ewan.) Nagkaboses na rin! Habang nag-aantay ng matagal sa inorder sa Pizza Hut, sinabi ko sa bagong dating iyong mga nakasulat sa itaas (sa talatang ito), sa harap ng dalawa. kaya ayun. nagkaayos na rin. salamat. Kakatapos lang namin kumain at nagkukuwentuhan kami nang biglang kumanta si Colbie. Nabigla kami kasi ang alam namin, 7pm pa ang start samanatalang alas-sais pa nang mga oras na iyon. Nagmadali kaming pumunta at nakipagsiksikan pa kami sa mga desperadong nakikipagtulakan at humaharang sa amin, hanggang sa nakapasok na rin. Medyo may kalayuan ang pwesto namin pero ayos pa din. Nakaupo. Patikim lang pala iyong kanina. 7pm pa ang start ng tunay. Naunang kumanta si Julianne. Kinanta niya iyong Tulak ng Bibig (?), English [wo]man in New York, tapos may isa pang 'di ko alam. Ayun. Sa wakas, lumabas na si Colbie. 'Yung tatlong kinanta niya na alam ko ay: Realize - una, Bubbly - ikalawa sa huli, Magic - huli. Tapos may dalawa o tatlo pang hindi ko alam. Ayun. Natapos. Nagpasya muna kaming tumambay sa Mcdo tsaka nanuod ng sine.
Step Up 2: The Streets! Whoo. Sobrang ganda! sobrang galing! Medyo ibang klase kung ikukumpara sa unang Step Up pero ayon, ang ganda! Hindi ko na namalayan ang oras. 11:30 na pala. Ang layo ko pa! Trinoma to Taytay? baka ni junction di pa ko umabot. kung umabot man, wala na sigurong gamit. Ayun, nagyaya si Mark na sa kanila nalang matulog dahil malapit lang naman. At ayun, nagpaalam na ako sa magulang. Dahil walang makuhang taxi at punuan ang mga dyip, linakad namin papunta sa kanila. Linakad muna namin mula TriNoma hanggang QC Circle. Tapos tumawid sa napakalapad na kalsada. Pambihirang kalsada iyon! Sobrang layo, kinailangan naming tumakbo sa gitna ng daan. E ambibilis pa naman ng mga kotse. May trak pa nga. Awa ng Diyos, 'di kami napano. Nag dyip kami hanggang Shell. Tapos naglakad na uli ng halos ganoong distansya gaya kanina. Nakarating kami sa bahay, ala-una na.
Grabeng araw. Nakakapagod nga. Pero ang bawat isang ginawa ay may kapalit na biyaya. Ang pagtiyatiyagang pagpraktis ng pagkatagal-tagal sa Mendiola ay dudulot sa maayos na daloy ng aming Gradweysyon. Ang pag-aantay sa pila na pipi ng maraming tao ay hinayaan kaming mapakinggan at mapanuod nang komportable si Colbie. Ang paglalakad pauwi ay binigyan kami ng panibagong karanasan at masayang pagsasama. At ang araw ng kapaguran ay magtatatak sa memorya't puso ng karanasan at aral na 'di malilimutan.
03.12.08
No comments:
Post a Comment