This blog will redirect 2 http://trancemp3s.blogspot.com/ in 6 secs

Wednesday, October 15, 2008

Balang Araw.

                Gabi. Malaki ang bahay. Magkakasama ang pamilyang lintik sa hapagkainan. Sa kabisera nakaupo si Ninoy. Sa kanyang kaliwa ay ang kanyang asawang si Cory at sa kanan naman ay si Kris, ang kaisa-isahang anak nilang si Kris. Ang laki ng mala-mansyong bahay. Ang amoy ng hamonado’t embutido ay namimighani mula sa higanteng kusina katabi ng silid-kainan. May mga kumakanta sa labas. May puno sa loob ng bahay. May mga kahon sa ilalim nito at bituin naman sa ibabaw. Madaming ilaw. Pula. Berde. Pula. Berde. At may mga pula’t berdeng medyas na nakasabit sa mga pintuan. “Tama. Noche Buena. Pasko na mamaya,” bulong ni Cory sa sarili. Saka tumilaok ang manok sa kabilang tahanan (mahirap tawaging bahay). Narinig niya ang kalampag ng magagaang na paa sa maingay nilang sahig. Dinig din ang talsik ng mantika mula sa kawali. “Mali. Panaginip lang pala…

 

                 … di bale, balang araw.”

 

                Bumangon si Cory sa kanyang kinahihigaan at naghanda sa pagligo habang ang kanyang asawa’y nagluluto ng kanilang pambansang almusal, ang tuyo. Alas sais na ng umaga.

                “O bakit ikaw ang nagluluto diyan?” tanong ni Cory sa asawa.

                “Bakit hindi? Ang sarap rin kasi ng tulog mo, naglalaway pa.”

                “Haha” pilit na tawa ni Cory. “Pa’nong hindi ako maglalaway e ang panaginip ko ay isang napakagandang noche buenang puno ng masasarap na pagkain. Noche buenang… sabihin nalang nating, hindi atin.”

                Naramdaman ni Ninoy ang kaunting pagpapatama ni Cory kaya’t linambing nito ang asawa “Ha mo, makakaraos rin tayo. Sana’y bigyan tayo ng krismas bon – “ naputol si Ninoy ng kanyang asawa.

                “Hayan ka na naman e! ‘Wag na tayong umasa! Wala na, wala nang pag-asa, tayo nalang!”

                Nagising tuloy si Kris… “Nay?”

                “Naku ikaw talagang babae ka o, dali na, aalis na tayo, mahuhuli ka na sa klase mo.”

                Pagkatapos magpaka”busog “ sa tuyo at toyo, iniwan na ng tatlo ang kanilang tinitirhan. Si Ninoy, papuntang Kowloon East, isang siopaoan na kanyang pinagtatrabahuhan, at sila Cory at Kris? Papuntang paaralan. Si Kris ay nag-aaral sa Pinalad Public Elementary School, mga isang kilometro mula sa kanilang tahanan. Nasa ikatlong antas na siya PERO sinasamahan pa rin siya ng kanyang ina papasok ng eskwela para tumulong maglinis ng paaralan.

                “Mwah” at iniwan na ni Cory si Kris sa kanyang silid kahit na maaga pa para lamang makakuha ng silya. Dumiretso siya sa banyo at hinagilap ang basahan. Dito ay napansin niya ang kanyang mukha mula sa isang basag na salamin. Maganda. Maganda si Cory. Maganda kung ikukumpara mo sa kapwa niya mahirap, kung ikukumpara mo sa nakararami ng kanyang bansa. Pero imbis na matuwa sa nakita, sinampal lamang niya ang kanyang sarili, “Panget,” bulong niya sa sarili. “Ang kapal ko talagang mag-ilusyon. Sabi nga ng matandang mayaman noong isang araw, ‘Bato bato sa langit, tamaan huwag magalit. Kumausap ka ng yagit, at makakakita ka ng pangit.’ Hay buhay.”

                ‘Pag labas niya ng banyo, kakantahin na ang pambansang awit. Antagal pala niyang nasa banyo, nakatitig, naaawa sa sarili. Tumindig ang lahat at hinawakan ang kaliwang dibdib gamit ang kanang kamay at ito’y nagsimula. Handa, awit. “… ang mamatay nang dahil sa’yo…” Nagsibalikan na ang mga mag-aaral sa kani-kanilang silid at nagsimula nang magtrabaho si Cory.

                ‘Di nagtagal ay rinig na niya ang sigawan sa labas, sa kalsada. “BOYCOTT! KOWLOON! IBOYCOTT ANG KOWLOON! PATALSIKIN SA PWESTO! IBIGAY ANG SWELDO!” Paulit-ulit ang mga katagang iyon sa tenga ni Cory hanggang sa magsimula ang putukan.

                “Teka,” napa-isip si Cory, “Kowloon. Boycott. Rally. Putukan. Diyos ko ang asawa ko!” pahagulhol niyang sinabi at lumabas papunta sa pinanggalingan ng putukan. Wala… Wala si Ninoy, hindi niya matagpuan, “baka naman hindi sumali”, bulong nito sa sarili at bumalik na sa paaralan. Nang mag alas kwatro ng hapon, lumabas na si Kris sa kanyang silid at lumakad na silang pauwi, malapit lang naman. At sa kaiklian ng daan, nadadaanan nila ang SM City Mall na sinubukan nilang pasukin nang minsan ngunit nabigo sa dumi ng kanilang suot. Araw-araw ay nakatingala si Kris sa malaking gusaling iyon. Hindi man kumikibo si Cory, alam niyang gustong-gusto ng kanyang anak malaman ang misteryo sa loob ng dambuhalang kahon. Ngunit sa hapong ito, hindi na napigilan ni Cory ang kanyang sarili, yinakap ang anak at sinabing, “Ha mo anak, balang araw, papasok tayo diyan.. Ibibili kita ng lahat ng laruang gusto’t itatapon mo, ng kending sisira sa ngipin mo, ng pagkaing idudumi mo, ng mga damit na hindi kakasya sa’yo… balang araw.” At tipid na ngumiti si Kris.

                Naka-uwi na sila, alas-sais ng gabi. Wala pa si Ninoy. Kahit na ang normal na uwi ni Ninoy ay alas nuwebe na ng gabi, hindi maiwasang mag-alala ni Cory.

                Saka nagsigawan ang mga sinasabong na manok sa kabilang tahanan (mahirap tawaging bahay). Narinig niya ang kalampag ng magagaang na paa sa maingay nilang sahig. Dinig din ang talsik ng mantika mula sa kawali. “Mali. Panaginip lang pala…

                … Patay na nga pala si Ninoy. Nadakip nga pala siya ng mga pulis, pinagpapalo, hanggang sa mamatay. Itinapon sa ilog, natagpuan ng pulis. Ipinamalita sa akin. Ipinamalita sa diyaryo. Pinatay daw ng mga baliw. Saka binalot ng sako, inilibing. … … … Mga hayop. Makakatikim rin ako ng hustisya, antayin niyo. Balang araw, makakatikim rin ako!”

 

                Bumangon si Cory sa kanyang kinahihigaan at naghanda sa pagligo habang ang kanyang anak ay nagluluto ng kanilang pambansang hapunan, ang tuyo. Alas sais na ng gabi.

                “O bakit ikaw ang nagluluto diyan?” tanong ni Cory sa anak.

                “Bakit naman po hinde? Ang himbing-himbing ng tulog niyo e.”

                “Haha.” May sasabihin pa sana si Cory kaso napansin niyang parang naulit lang ang nangyari. Iniba niya ang usapan. “Tara na’t mahuhuli na ‘ko sa trabaho ko.”

                Pagkatapos magpaka”busog” sa tuyo at toyo, iniwan na ni Cory si Kris sa kanyang tirahan. Doon, sa QC Circle. Sa kalsada. Doon nagtatrabaho si Cory nang mahigit sampung taon na, mula nang pumanaw ang kanyang mister. Empleyado siya ng isang nagngangalang Ferdinand. Ang trabaho? Pokpok. Pokpok sa ilalim ng bugaw na si Ferdinand. Pokpok. Puta. Prosti. Pero ang alam ng anak niya, isa siyang call center agent sa isang sikat na kumpanyang nangangalang Pilipinas.

                Ang ganda ng kanyang gabi, ‘sing ganda ng kanyang kutis. Nakita niya ang kanyang mukha sa tintadong salamin ng kotse ng kostumer at inisip, “Seksi. Maganda. Meron naman palang ka-akit-akit sa mundo ng yagit.” Saka bumaba ang bintana ng kotse at tinignan siya ng nasa loob. Mali. Hindi siya tinignan. Hinubaran siya. Isang minuto lang ay nasa loob na siya ng kotse. Paungol-ungol. Kunwaring nasasarapan. Magaling. Magaling siyang puta. Hanggang sa napagod at nakuntento ang kanyang kostumer, binigyan siya ng malaking tip, isang libo.  (Malaki, kung ikukumpara sa normal na binabayad sa kanya ng isang kostumer, 500. Dati nga ay 350 lang, pero dahil regular na siya, naging 500 na.) Naitago niya ito sa bugaw at binigyan lamang ang kanyang boss ng isang daang piso, na talaga namang dapat.

                Umuwi siya bago pa sumilay ang araw at ginising ang anak na diyese-siyete años na at nag-aaral ng kanyang ikatlong taon sa hayskul.

                “Anak! Anak! Dali, pupunta tayong SM! Magbihis ka nang maayos para papasukin tayo. Ibibili kita ng gusto mo! Ng mga pula’t berdeng bumbilya! Ng laruang nakabalot sa pula at may puting balbas. Ng punong umiilaw!”

                Nag-unat ang anak at humikab habang hindi makapaniwalang nagsalita, “Talaga? Teka teka, ikaw rin ‘Nay, magbihis ka.”

                “Hindi na ‘yun mahalaga! IKAW ANG MAGBIHIS.”

                Tuwang-tuwa ang mag-ina. Naligo sila nang maigi. Nagbihis ng pinakamaayos nilang damit, kahit butas pa. Nag-alisan ng kuto. Nagtatatalon sa galak at nang mag-aalas-diyes ng umaga na, pumunta na sila sa dambuhalang kahon, sa SM City Mall. Unang beses nilang dalawa na makakapasok dito. Kung may meyk ap at lipstik man si Cory, ito’y bigay ng boss niya.

                “ANG LAKI INAY!” tuwang-tuwang sabi ni Kris. “Paglaki ko, itatayo ko kayo ng ganitooooo kalaking bahay! Para lang sa ating dalawa ‘nay!”

                “Hahaha sana nga anak.”

                Linibot muna nila ang loob ng dambuhalang kahon. Sa kanilang paglilibot, may nakakita kay Kris na kanyang kaaway sa paaralan.

                “Hoy Kris! Hayup kang babae ka, manunulot!” sigaw ng kaaway niyang si Imelda, papalapit sa kanya at handang sabunutan siya. Ngunit hinarang siya ni Cory.

                “Ikaw hamapslupa ka, ano’ng pinagsasasabi mo ha?!”

                “MGA PUTA KAYO! PUTANG INA MO!”

 

                Putang ina mo… PUTANG. INA. MO!

 

                Tumagos ang mga salitang iyon sa puso ni Cory, kahit hindi masyadong nasaktan si Kris sa mga sinabi nito. “Ha mo anak, balang araw, paghihigantihan natin ‘yang malditang ‘yan. … Balang araw.”

                Umuwi na sila matapos ang mangyari dahil sa biglang naramdaman ni Cory. Linalagnat siya’t nanghihina.

 

                Saka tumilaok ang manok sa kabilang tahanan (mahirap tawaging bahay). Narinig niya ang kalampag ng magagaang na paa sa maingay nilang sahig. Dinig din ang talsik ng mantika mula sa kawali. “Mali. Panaginip lang pala…

                … linagnat lang pala ako ngayon. ‘Yun lang naman. At natigil na ‘ko sa pagtatrabaho. Nanghina ang aking katawan. May tumubong kung ano sa aking ari. Namasa ang katawan ko. At inamin ko na nga pala kay Kris, na hindi call center na naglilingkod sa kumpanyang Pilipinas, kundi isang pokpok na naglilingkod para sa isang nagngangalang Ferdinand ang kanyang ina, dahil sadyang wala na siyang pagkukuhaan ng pera, wala siyang pinag-aralan, mahina ang benta sa sampaguita, masmadaling kumita ang pokpok, minsan nasasarapan pa. Buti naman, tinanggap niya ‘yun. AIDS. Aids nga pala ang sakit ko. Nakamamatay daw. Nakamamatay na pala ang eyds, age, edad. ‘Pag tinatanong si Kris ng guro sa skul noon, ‘What is your age, Kris?’ hindi sumasagot si Kris. Alam ko na kung bakit. Kasi nakamamatay ang AIDS.”

 

                "O... Kris.. bakit.. ikaw.. ang .. nag..luluto.. diyan?"

                 "Bakit naman po hindi? Gusto ko kayong pagsilbihan. Sige na 'nay kain na."

                … Hindi sumagot si Cory at parang sininok pa, kaya kinabahan tuloy si Kris.

 

                “’Nay! ‘Nay! ‘Wag niyo muna ho akong iwan!” Umiiyak si Kris, beinte tres años, nakahalandusay sa katawan ng nanay.

                At sumagot si Cory sa lakas na di maririnig ni Kris kung hindi siya nakadikit dito, “shhh… Kris. Kris. Shh… balang … araw, ma..mamatay rin ..ako. Kaya ikaw, pagbu…b..b..utihin mo ang pag…tatrabaho mo, para ..balang araw…, maka.. hain. .ka.... ng masarap na.. noc..no.noche buena.. sa 'yong .. magiging pamilya.. At nang ..may pa… may pa…tunguhan naman …ang aking …pagkanta sa’yo… tuwing …ika’y natutulog…, ‘Ang mamatay… ng dahil sa’yo’. ...Tahan na.... Alam ko... panaginip,,, na ,,, naman ito.,,, Matulog ka na rin.”






              Mali. Mali na naman siya. Totoo na pala.




No comments: