Laylayan ng Lipunan talaga yung original title ng tulang 'to ayon sa'ming leader pero iniba ko na, nahiya lang ako magsuggest nun,, de, di ko pa talaga naisip yang nasa taas non.
eto'y isa sa mga tulang pinagawa sa'min saka isasabayang pagbigkas. Tapos na kami magpresent, 'ung iba hindi pa. Okay naman na sigurong ipost to.
bawat saknong isa ang gumawa [si Iris sa Preso, si Bridge sa adik, Eunice sa may kapansanan, ako sa bakla, at si Myk sa pari (tae galing nila)], ung intro't outro lang ung pinagtulungan.
-----------------------------------------------------------
Kakosa. *Adik* *Pipi* Chos!
Kaming mga nasa laylayan ng lipunan
Di pinapansin at laging pinagtatabuyan
Panginoon, kami sayo’y humihiling na sana kami’y dinggin.
Sa ngalan ng Ama, ng preso, ng adik, ng may kapansanan, at ng bakla
Amen.
(Preso)
Nalulugmok at nabubulok sa bilangguan
Mistulang patay mula sa mismong araw na hinatulan
Ngunit sa gitna ng madilim na impyernong kinalalagyan
May liwanag na nasinag at aral na nakamtan
Subalit binusalan at nagmistulang pipi
Sa hangin napadpad ang mga mungkahi
Di malayang makapagpahayag
Sandatang panaghoy at iyak ay tuminag
Nakapiit man at walang kalayaan
Ang aming munting tinig ay di dapat kaligtaan.
(Adik)
Ang ingay ng mundo
Bawat araw, bawat minuto
Walang tigil na sigawan at gulo.
Buti na lang masaya ako.
Buti na lang magaan ang loob ko.
Buti na lang may dubi pa ako.
Walang away, walang tampo,
Malayo sa aking mga multo.
Ang madilim na mundo’y nagkaroon ng hiwaga.
Masama ba talagang adik ka?
Minsan.
(May kapansanan)
Salat man sa nakikita’t abot ng pandama
Limit ang kilos, katawa’y paralisa
Magkagayonman, tangan ko’y pusong di mapagkunwa
At hindi nasisilaw sa huwad ng mga ganda.
Madalas mang pandirihan at pagtawanan
Ng lipunang akala’y patapon akong basahan,
Sa kanila’y papatunayan ako’y hindi pabigat.
Kaya’t pag-asang masilayan, makita’t mahawakan
Makalakad ng may kalayaan sa isang mapang-unawang lipunan
Ay hindi nawawala sa kabila ng kadiliman.
(Bakla)
Ibon man ma’y layang lumipad
Bading di’y hayaang magladlad
Pagkat bakla ma’y itinatakwil ng lipunan
Kami’y lalaking may laya sa kagandahan.
Tao ay nagmamahal, Tayo ay nagmamahal.
At kung hindi babae ang tipo namin, kasalanan ba naming si Piolo Pascual?!
Kaya sa pari, kami’y kapwa tao’t kapantay lamang
At sa magulang, kami’y anak din naman
Kaya lipunang may gawa't ngayo'y nangungutya,
Tanggapin, kilalanin, ipagmalaki ang baklang nilikha. (chika lang)
(Pari)
Ako’y alagad ng simbahan
Sa ngalan ng Diyos, kayo’y tutulungan
Mga nalilito’t nalihis ng landas.
Ang akin lamang ay huwag kayong umiwas.
Mga bilanggo’t nalulong sa droga,
Magbago’t harapin ang kapwa
Upang sumaya inyong pamilya.
Mga bakla’t may kapansanan,
Huwag matakot sa inyong lipunan
Dahil kayo nama’y pahahalagahan.
Kaming mga bilanggo, may magagawa rin.
Kaming mga adik, may pangarap din.
Kaming may mga kapansanan, may patutunguhan din.
Kaming mga bakla, may lakas din.
Kami, sa laylayan ng lipunan, may halaga pa rin.
No comments:
Post a Comment